Nakamit na ng Catanduanes State University (CatSU) ang sertipikasyon mula sa Commission on Higher Education (CHED) Region V para sa Bachelor of Arts in English Language program, dalawang taon matapos itong ilunsad.
Natanggap ni CatSU President Dr. Gemma G. Acedo ang Certificate of Program Compliance (COPC) at opisyal na liham mula kay CHED Region V Director Dr. Demetrio P. Anduyan Jr. noong Agosto 12.
Ang COPC ay bunga ng program proposal na unang isinumite noong 2023 sa pamumuno ng noo’y CatSU President at ngayo’y Gobernador ng Catanduanes na si Dr. Patrick Alain T. Azanza, katuwang ang noo’y Vice President for Academic Affairs na si Dr. Acedo.
Sa kasalukuyan, may 110 estudyante ang naka-enrol sa program mula unang taon hanggang ikatlong taon. Layunin ng programa na magbigay ng masusing kaalaman hinggil sa wikang Ingles—mula sa kasaysayan, paglago at pag-unlad, estruktura, at gamit nito—at sanayin ang mga mag-aaral sa paggamit ng Ingles sa iba’t ibang konteksto sa Pilipinas at sa pandaigdigang larangan.
Magbubukas din ito ng mas malawak na oportunidad sa trabaho para sa mga magsisipagtapos, kabilang ang pagtuturo, pananaliksik, public relations, advertising, documentation, pagsusulat, pagsasalin, pag-e-edit, at maging sa serbisyo diplomatiko.
Binigyang-diin ni Dr. Acedo na ang pagkakaroon ng COPC ay mahalagang yugto para sa CatSU upang masigurong patuloy na maihahatid ang edukasyong may pandaigdigang pamantayan para sa mga kabataan.