Nilagdaan kahapon, Agosto 13, ang kasunduan ng Department of Science and Technology – Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI), Catanduanes State University (CatSU), at DOST Region V para sa pagtatatag ng Natural Textile Fiber Innovation Hub (NTFIH) sa Catanduanes.
Bahagi ito ng proyektong FRONTIER na pinondohan sa ilalim ng Department of Science and Technology – General Appropriations Act (DOST-GAA), na layong patunayan at beripikahin sa antas-komunidad ang mga teknolohiya sa pagkuha at pagproseso ng hilaw na hibla mula sa abaka at bandala pseudostem na nagmumula sa lalawigan.
Target din ng proyekto na palakasin ang kakayahan ng mga magsasaka, akademya, industriya, at pamahalaan sa pagpapaunlad ng lokal na industriya ng tela, at magbukas ng mas maraming oportunidad para sa kabuhayan sa isla.
Dumalo sa pirmahan sina Dr. Gemma G. Acedo at Dr. Roberto B. Barba Jr. mula sa CatSU; Director Rommel R. Serrano mula sa DOST Region V; at Director Julius L. Leano Jr. mula sa DOST-PTRI.
Ayon sa mga opisyal, magsisilbing modelo ang NTFIH para sa pagpapaunlad ng iba pang hibla sa rehiyon at pagpapatatag ng Catanduanes bilang sentro ng inobasyon at kalidad ng produksiyon ng hibla sa bansa.