“Sa pag-aaral ng batas, hindi sapat ang talino—kailangan din ang tibay ng loob.” Ito ang mariing mensahe ni Pangulong Gemma G. Acedo ng Catanduanes State University (CatSU) sa isinagawang College of Law Orientation noong Agosto 9, 2025.
Pinuri ni Pangulong Acedo ang pioneer batch na aniya’y matagumpay na nalampasan ang unang taon na tinawag niyang “tunay na baptism of fire.” Ipinunto niya ang mga sakripisyong pinagdaanan ng mga mag-aaral—mula sa kakulangan sa libro, hamong pinansyal, hanggang sa mga gabing puno ng pagod at pag-aalinlangan—bilang patunay ng kanilang katatagan.
Binigyang-pugay din ng Pangulo ang pagtatatag ng kolehiyo sa pamumuno ng dating Pangulo ng CatSU at kasalukuyang Gobernador ng Catanduanes na si Dr. Patrick Alain T. Azanza, kasama sina Dean Atty. Santiago T. Gabionza Jr. at Associate Dean Atty. Gregorio M. Sarmiento Jr.
Dumalo rin sa okasyon sina Vice President for Academic Affairs Dr. Kristian Q. Aldea, at ilang fakulti ng College of Law.
Para sa mga bagong mag-aaral, tiniyak ni Pangulong Acedo na sila’y nasa mabubuting kamay sa ilalim ng paggabay ng mga batikang propesor, abogado, piskal, at hukom. Inilarawan niya ang pag-aaral ng batas na parang pag-akyat sa matarik na bundok—mapanghamon ngunit may gantimpala sa dulo.
“When you reach the summit, not only will you have a law degree—you will have earned your voice as a defender of justice,” wika ni Pangulong Acedo, na nagtapos sa panawagang magtaguyod ng komunidad ng mga abogado sa hinaharap na “mangunguna gamit ang katwiran, damdamin, at konsensiya.”