“You are not here by accident. You are here because you belong.” Ito ang malinaw na mensahe ni Catanduanes State University President Dr. Gemma G. Acedo sa mahigit 13,000 mag-aaral ng unibersidad sa isinagawang General Orientation kahapon, Agosto 11, 2025 sa University Gymnasium.
Sa talumpati para sa Cluster A (umaga) para sa College of Education, College of Health Sciences, College of Business and Accountancy, College of Science, at College of Humanities and Social Sciences, hinimok ng Pangulo ang mga mag-aaral na yakapin ang layunin ng kanilang napiling kurso—mula sa pagiging guro na may malasakit, health worker na may kabutihan, negosyanteng may disiplina, siyentipikong matatag, hanggang sa kritikal na mananaliksik sa agham panlipunan.
Sa Cluster B (hapon) naman na para sa College of Engineering and Architecture, College of Industrial Technology, College of Agriculture and Fisheries, at College of Information and Communications Technology, tinawag ni Dr. Acedo ang mga mag-aaral bilang “builders, makers, growers, coders, problem-solvers” na may kakayahang lumikha at magbago ng hinaharap. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng kasanayan, kolaborasyon, at walang tigil na pagkatuto sa lahat ng larangan.
Sa parehong sesyon, pinalakas ni Dr. Acedo ang mensahe ng suporta mula sa pamunuan at ipinapaalala sa mga estudyante na sundin ang mga simpleng paalala tulad ng pagsusuot ng ID, pakikipagkapwa, at pagdiriwang ng maliliit na tagumpay.
Bilang pagtatapos, muling iginiit ng Pangulo na ang bawat mag-aaral ay mahalagang bahagi ng komunidad ng CatSU at may lugar sa mas malawak na mundo. “You have the power to build, create, plant, connect, and transform,” dagdag pa niya.