Catanduanes State University - Virac, Catanduanes

Catanduanes State University

News

Intellectual property, tech business management, palalakasin sa ilalim ng CatSU RAISE Phase 2

Education

October 7, 2025

Nakahanda na ang CatSU Intellectual Property and Technology Business Management (IP-TBM) Project Team na paigtingin ang implementasyon ng intellectual property protection at technology business management sa unibersidad sa ilalim ng Phase 2 ng Regional Agri-Aqua Innovation System Enhancement (RAISE) Program.
Ang programa ay pinondohan ng Department of Science and Technology – Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) sa halagang Php 2.35 milyon, para sa dalawang taong implementasyon.
Layon ng Phase 2 ng proyekto na sanayin ang mga tagapagpasinaya ng inobasyon ng CatSU sa beripikasyon ng prototipo, pananaliksik sa pamilihan, pagmomodelo ng negosyo, at pagtatatag ng ugnayang pang-industriya sa tulong ng Technology Business Incubator (TBI).
Isa rin sa mga pangunahing layunin ng proyekto na gawing komersyal ang mga inobasyon ng CatSU upang mapataas ang produktibidad, palakasin ang kompetisyon, at makalikha ng kabuhayan para sa mga Catandunganon.
Pinangungunahan ang IP-TBM Team ni G. Kristopher T. Visaya, Project Leader at Direktor ng Tanggapan ng Karapatang Intelektwal at Komersyalisasyon ng Unibersidad (UIPRCO), kasama sina Engr. Karl Kenneth Araojo at Bb. Jhaychrisse F. Manlagñit bilang mga pangunahing kasapi.
Inaasahan na sa ilalim ng pamumuno ng bagong talagang Pangalawang Pangulo sa Gawaing Pananaliksik, Ekstensiyon, at Produksiyon (VPREPA), Dr. Roberto B. Barba Jr., ay higit pang mapalalakas ang mga inisyatibo sa inobasyon at industriyalisasyon sa CatSU, alinsunod sa mandato ng kaniyang tanggapan na isulong ang pananaliksik, pagpapalawak ng kaalaman, at paggamit ng teknolohiya para sa pambansang kaunlaran.