Catanduanes State University - Virac, Catanduanes

Catanduanes State University

News

Pangulong Acedo, nanawagan ng pagkakaisa at mas mataas na paninindigan sa pagbubukas ng ASEAN Month

Education

October 7, 2025

Hinimok ni Dr. Gemma G. Acedo, Pangulo ng Pampamahalaang Unibersidad ng Catanduanes (CatSU), ang buong komunidad ng pamantasan na itaas ang antas ng paninindigan sa pagkakaisa, kahusayan, at makabuluhang pagkilos, sa pagbubukas ng Buwan ng ASEAN 2025 kasabay ng unang Seremonya ng Pagtaas ng Watawat sa bagong akademikong taon kasama ang mga mag-aaral sa Paaralang Laboratoryo, Agosto 4.
Sa harap ng mga guro, kawani, at estudyanteng nakasuot ng makukulay na kasuotang hango sa mga bansang kasapi ng ASEAN, binigyang-diin ni Pagulong Acedo ang kahalagahan ng temang “Inclusivity and Sustainability” bilang pundasyon ng paninindigan ng unibersidad — hindi lamang tuwing pagdiriwang, kundi sa araw-araw na pamumuhay at paggawa.
“Hindi lamang ito para sa mga poster o tarpaulin. Dito sa CatSU, isinasabuhay natin ang pagiging inklusibo at ang pananagutan sa kinabukasan,” pahayag ni Pangulong Acedo.
Bilang bahagi ng kaniyang talumpati, inilahad ng pangulo ang tinatawag niyang direksyong “C-A-T-S-U,” na nagsisilbing gabay sa mga programa at adhikain ng pamantasan: Commitment to Excellence sa pagtuturo at pagkatuto; Advancement in Research and Innovation na may konkretong epekto sa lipunan; Transformative Community Engagement sa pamamagitan ng serbisyo at ugnayan; Sustainability and Environmental Resilience na tumutugon sa hamon ng panahon at University Globalization and Partnerships para sa mas malawak na pagkakakilanlan sa daigdig.
Ayon kay Pangulong Acedo, nakahanay ang mga direksyong ito sa 8-Point Agenda ng Komisyon sa Mas Mataas na Edukasyon (CHED) Bikol sa pamumuno ni Direktor Dr. Demetrio P. Anduyan Jr., at sa balangkas ng ACHIEVE na isinusulong ng Tagapangulo ng Komisyon, Dr. Shirley C. Agrupis.
Isa rin sa mga tampok ng seremonya ang pormal na pagpapakilala sa mga bagong talagang Pangalawang Pangulo ng CatSU.
Itinalaga sa kani-kanilang bagong posisyon sina Dr. Kristian Q. Aldea, bilang Pangalawang Pangulo sa Gawaing Akademiko (VPAA), Dr. Arthur I. Tabirara, bilang Pangalawang Pangulo sa Gawaing Pampinansiyal at Administratibo (VPAFA), at Dr. Roberto B. Barba Jr., bilang Pangalawang Pangulo sa Gawaing Pampananaliksik, Ekstensiyon, at Produksiyon (VPREPA).
Kasabay nito, ipinakilala rin ni Pangulong Acedo ang iba pang bagong opisyal ng unibersidad, kabilang ang mga muling naitalaga, sa Sentral na Pamunuan at sa tatlong pangunahing dibisyon.