Kinilala ng Kagawaran ng Paggawa at Empleo (DOLE) Bikol ang Pampamahalaang Unibersidad ng Catanduanes (CatSU) bilang Natatanging PESO sa kategoryang institusyong pang-edukasyon sa 2025 Best PESO Awards na ginanap noong Hulyo 11 sa Casablanca Hotel, Legazpi City.
Dumalo sa seremonya ng paggawad si Associate Professor Maricel S. Cariaso, CatSU PESO Manager, upang tanggapin ang parangal para sa unibersidad.
Layunin ng taunang parangal na itaguyod ang ganap, disente, at produktibong empleo sa rehiyon sa pamamagitan ng pagkilala sa mga natatanging PESO sa mga lalawigan, lungsod, bayan, at institusyong pang-edukasyon.
Tinaya ng DOLE ang mga kalahok ayon sa kanilang pangunahing serbisyo, pagpapatupad ng mga programa ng kagawaran, at mga naunang parangal na natamo.
Kasama ng CatSU sa hanay ng mga pinarangalan sa iba namang kategorya ang Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Sur, Lungsod ng Naga sa Camarines Sur, Bayan ng Daet sa Camarines Norte, at Bayan ng Pandan sa Catanduanes.