CatSU, Namayagpag sa BIOTA Bicol Chapter Convention
Students[𝗣𝗔𝗚𝗕𝗔𝗧𝗜]
Ipinakita ng mga delegado mula sa Catanduanes State University (CatSU) ang
husay nito sa ika-12 Taunang BIOTA Bicol Chapter Convention at Scientific
Sessions na ginanap noong Agosto 24-25, 2024, sa Bulwagang BUño Student Union
Center, Bicol University, Legazpi City.
Nilahukan ng mga eksperto,
propesor, at mag-aaral mula sa buong Rehiyon ng Bicol, layunin ng pagtitipon na
itaguyod ang siyentipikong pananaliksik, palakasin ang kolaborasyon, at
pagbutihin ang mga metodolohiya sa edukasyon sa larangan ng siyensya.
Kabilang sa mga tampok na bahagi
ng kumbensyon ang Youth Biologists Forum (YBF) Poster Presentation, YBF Paper
Presentation, BioTalks, at BioTaktik, kung saan nagwagi ang mga delegado ng
CatSU.
Nakamit nina Melchor Borromeo,
Eddie Bernacer, Mark Keenan Gianan, at Luis Emmanuel Macero ang unang pwesto sa
YBF Poster Presentation para sa kanilang pag-aaral na pinamagatang “Diversity
and Health Status of Corals in Northern Catanduanes Island, Philippines.”
Pumangalawa sina Jericho Obierna,
isang alumnus ng BSES Program at kasalukuyang kontraktwal na guro sa Natural
Science Department, at ang kanyang grupo para sa poster na pinamagatang
“Limnological Faunal Composition and Perceived Ecological Impacts of Quarry
Activities at the Pajo-Sto Domingo River System in Virac, Catanduanes.”
Samantala, nasungkit nina Kyle
Alastair Arcilla, Aramarie Arcilla, Aira Banas, at Ara Mae Daroya ang ikatlong
pwesto para sa kanilang pag-aaral na “Quantification of Microplastics in the
Cuts and Muscles of Rabbitfish (Siganidae).” Ang mga poster ng pananaliksik na
ito ay kapwa may-akda ni Prop. Ma. Cecilia T. Arcilla.
Nakatanggap din ng sertipiko ng
partisipasyon sina John Rod Cabida, Rialyn Fe Icamen, Cristine Angela Icaro, at
Ms. Maricon G. Vargas para sa kanilang pag-aaral na “New Geographical
Distribution Record of Nepenthes graciliflora in Panganiban 75, Catanduanes
Luzon Island, Philippines.”
Sa Professional Category ng YBF
Poster Presentation, nanguna sina Bb. Karmela I. Del Rosario, isang alumnus ng
MAT Biology Program ng Graduate School, at si Prop. Ma. Cecilia T. Arcilla para
sa kanilang pag-aaral na “Microplastic Pollution in the Sediments of Cabugao
Bay, Catanduanes Island, Philippines.”
Pumangalawa si Bb. Maricon G.
Vargas, isang guro ng BSES Program, sa YBF Paper Presentation para sa kanyang
pag-aaral na “Ecological Parameters Influencing Herpetofauna Diversity and
Distribution in Mt. Buktot, Catanduanes, Luzon Island, Philippines.”
Nakamit din ni Bb. Esther Duchess
Bien De Leon, isang alumnus ng MAT Biology Program, ang ikatlong pwesto sa YBF
Paper Presentation kasama ang kanyang tagapayo na si Prop. Abelisa D.
Evangelista.
Nagpasalamat naman si Pangulong
Dr. Patrick Alain T. Azanza sa lahat ng mga delegado na nagbigay ng karangalan
sa unibersidad. Ayon sa pangulo, ang kanilang tagumpay ay patunay ng pagsisikap
ng CatSU sa paghahatid ng mataas na kalidad ng edukasyon sa mga larangang ito.
#PadagosNaPatanos