Eduk student, 'best research presenter' sa Pandaigdigang Kumperensiya sa Filipino
StudentsNasungkit ni Kate S. Guerrero, mag-aaral mula sa Kolehiyo ng Edukasyon na nagpapakadalubhasa sa Filipino, ang titulong ‘Best Research Paper Presenter’ sa katatapos lamang na ‘LIRIP 8: Pandaigdigang Kumperensiya sa Filipino’ na ginanap sa Central Bicol State University of Agriculture (CBSUA), Pili, Camarines Sur.
Ang pamagat ng kanyang pananaliksik ay ‘Paglilikom at Pagsusuri ng mga Kuwentong Bayan ng Baras, Catanduanes.’
“Iba ang danas at umaapaw ang naidalumat na aral na pabaon ng pagtitipon. Nawa'y idambana at mas maging maalab pa ang ating pagmamahal sa Wika, Kultura at Sining sa iba't ibang larang lalo't higit sa larangan ng pananaliksik,” pagbabahagi ni Guerrero sa isang panayam.
Kabilang din sa mga naging tagapagsalita sa naturang kumperensiya ang direktor ng Sentro ng Wika at Kulturang Filipino (SWKF) ng Catanduanes State University (CatSU) na si Dr. Jovert R. Balunsay, na nagbahagi ng kaalamang ‘Filipino sa Global na Aspekto.’
“Isang karangalan at kasiyahang makapagbahagi ng kaalaman sa wikang Filipino sa harap ng mga kalahok ng Lirip 8. Nais nating itampok na may espasyo ang wikang Filipino sa pandaigdigang pagtitipon kagaya nito,” sambit ni Dr. Balunsay.
“Pinatutunayan ng aking panayam na ang Wikang Filipino ay wikang global na kayang makipagsabayan sa iba pang wika ng daigdig,” dagdag pa nito.
Nakasama ng SWKF direktor sina Dr. Gregory S. Ching ng National Chengchi University, Taiwan, at Engr. Abdon M. Balde, Jr., isang manunulat at mananaliksik sa Rehiyong Bikol.
Maliban kay Guerrero, lima pang mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa Filipino mula sa Kolehiyo ng Edukasyon ang naglahad ng papel ng kanilang pananaliksik sa naturang kumperensiya. Kabilang dito sina Adnrilyn Soner, Laurence Vicente, Melody Oclarino, Danica Temena, at Jessa Mae Tapel.
Naglahad din ng kani-kanilang pananaliksik ang dalawa pang propesor mula sa Departamento ng mga Wika na sina Dr. Susan S. Tindugan at Prop. Ma. Sofia S. Llaguno.
Lumahok din sa nasabing pagtitipon ng mga guro, manunulat, tagaplanong pangwika, at iskolar ng iba’t ibang larang mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa, ang mga senior students ng CatSU na kumukuha ng Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon Medyor sa Filipino.
Ginanap mula Hulyo 26-28, 2024, ang pandaigdigang kumperensiya ay may temang, “Filipino: Wika at Larang na Handa sa Hinaharap” at inorganisa ng LUMINA Foundation for Integral Human Development (LIRIP) sa pakikipagtulungan ng Network of Professional Researchers and Educators (NPRE), Bicol University, Camarines Norte State College, CatSU, CBSUA, Sorsogon State University, at Unibersidad ng Timog Mindanao.