Ipinagkaloob ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga tseke para sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) sa sampung organisasyong pangkabuhayan sa Catanduanes kahapon, Setyembre 24 sa CatSU Auditorium.Mahigit 100 miyembro ng asosasyon at kooperatiba ang dumalo sa paggawad, kung saan nagkakahalaga ng Php 6.9 milyon ang kabuuang tulong para sa mga kagamitan at suplay ng mga organisasyon. Ang Catanduanes State University (CatSU), sa pangunguna ni SUC President III Dr. Patrick Alain T. Azanza, ang tumulong sa pag-organisa ng mga kooperatiba, at ngayon ay siya ring gagabay mula sa pag-download ng grants hanggang sa monitoring ng mga proyekto.Ayon kay Dr. Azanza, bahagi ito ng programang Padagos na Patanos Movement, na may layuning palakasin ang aspeto ng kabuhayan ng mga Catandunganon sa pamamagitan ng CatSU Extension Services na pinamumunuan ni Direktor Adem Nalu V. Rubio, sa ilalim ng opisina ni Vice President for Research, Extension, and Production Affairs Dr. Rosana S. Abundo.Nagpaalala naman si DOLE OIC-Provincial Director Eduardo C. Lovedorial sa mga benepisyaryo na dumaan sa tamang proseso ng procurement. Ayon kay DOLE Region V Director Imelda Gatinao, ito ang kauna-unahang malawakang paggawad sa sampung organisasyon sa isang pagkakataon, sa iba't ibang industriya gaya ng meat processing, dried fish processing, garments production, at vegetable chips production. Nangako naman ang mga benepisyaryo na pagbubutihin ang pagpapatakbo ng kanilang kabuhayan.